Hits: 10141 Alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 ay ipagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa mula ika-1 hanggang ika-30 ng Agosto 2013. Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang tema para sa pagdiriwang ngayong taon ay “Wika Natin ang Daang Matuwid.” Nilalayon ng pagdiriwang na ito na:
Ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041,
Mahikayat ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sector na makiisa sa mga programang nagpapataas ng kamalayang pangwika at sibiko, at
Maganyak ang mamamayang Filpino na pahalagahan ang wikang Filipino sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga gawain kaugnay ng Buwan ng Wikang Pambansa. Hinati sa sumusunod na diwa ang pangkalahatang tema ng pagdiriwang:
Ang Wika Natin ay Wikang Katarungan at Kapayapaan.
Ang Wika Natin ay Laban sa Katiwalian.
Ang Wika Natin ay Sandata Laban sa Kahirapan.
Ang Wika Natin ay Wikang Mabilisan, Inklusibo at Sustenidong Kaunlaran.
Ang Wika Natin ay Wika sa Pangangalagang Kapaligiran.
Inaanyayahan ng Pasuguan ng Pilipinas sa Canberra ang mga kababayan natin sa Australia na maki-isa at makilahok sa pagdiriwang sa pamamagitan ng mga gawaing angkop para sa ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Ipagbigay alam lamang po ninyo sa Pasuguan sa email na cbrpe@philembassy.org.au o sa telepono (02) 62732535 ang inyong mga planong gawain upang ang mga ito ay maging bahagi ng isang buwang programa na aming inihahanda bilang kontribusyon ng mga Pilipino sa Australia sa pagdiriwang na ito.