Republic of the Philippines
Republic of the Philippines
EMBASSY OF THE PHILIPPINES
CANBERRA, AUSTRALIA
1 Moonah Place, Yarralumla, ACT 2600, Australia

Buwan ng Wikang Pambansa, Ipinagdiwang

/ news

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa, ang Pasuguan ng Pilipinas sa Canberra ay nagsagawa ng isang masayang palaro na tinaguriang, Iguhit Mo, Huhulaan Ko, noong ika-16 ng Agosto 2013.

Nahahati sa dalawang grupo, ang mga kawani ng Pasuguan ay nagpagalingan sa paghula ng mga larawang iginuhit na naayon o may kinalaman sa tema ng pagdiriwang na buwan ng wika na “Wika Natin ang Daang Matuwid.”

Sa kanyang maikling pananalita bago simulan ang palaro, sinabi ni Ambassador Belen Anota na ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay isang paraan upang pukawin ang damdaming pagka-Pilipino ng bawat isa lalong-lalo na ang mga naninirahan na sa ibayong dagat. Idinagdag ni Ambassador Anota na ang pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling wika ay katumbas rin ng pagmamahal sa sariling bayan.

Matapos ang palaro, ang mga kawani ay nagbahagi rin ng kanilang saloobin at pananaw ukol sa tema ng pagdiriwang, habang pinagsasalu-saluhan ang mga kakaning Filipino.

Alinsunod pa rin sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ang Pasuguan ay lumahok sa Tribyang Pinoy Challenge isang “charity fund-raiser event” na pinangasiwaan ng “Learning Filipino Together,” isang samahang Filipino-Australian na ang layunin ay magturo ng wikang Filipino sa mga kabataan at sa sinumang nagnanais na matuto ng ating wika. Nilalayon din ng samahang ito na ipakilala ang kultura at natatanging tradisyon ng ating bansa.

Bilang panimula, si Unang Kalihim at Consul Nina P. Cainglet ay nagbigay ng isang maikling mensahe. Ipinahayag nya na ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay daan upang ang bawat Pilipino, saan man sila namamalagi, ay magbalik tanaw sa bansang kanyang pinagmulan.

Hango sa kilalang paligsahan sa Australia na “Trivia Night,” ang mga kalahok ng Tribyang Pinoy Challenge ay kinakailangang sagutin ang iba’t-ibang katanungang tungkol sa Pilipinas – mula sa kasaysayan, pagkain, sikat na mga pook hanggang sa mga kilalalang personalidad sa pinilakang tabing.

Isa sa mga itinampok na pagtatanghal ay ang pag-awit ng mga mag-aaral ng “Learning Filipino Together” ng ilang pambatang himig na Filpino. Nagkaroon din ng pagtatanghal ng “Balagtasan” at nagsagawa ng palarong “Pabitin” para sa kaaliwan ng mga kabataang dumalo.

Pagkaraan ng isandaang katanungan, ang grupo ng Pasuguan na pinangalanang “Sugo,” ang nagkamit ng pinakamataas na puntos at itinanghal na nagwagi ng unang gantimpala.

Sa pagtatapos, nagpasalamat si Gng. Koch Velasquez, Tagapamuno ng “Learning Filipino Together,” sa lahat ng naki-isa at nangako na sisikapin ng kanilang samahan na gawing taunan ang masayang patimpalak. Sinabi rin niya ang nalikom na halaga sa natapos na gawain ay gagamitin sa mga proyekto na makatutulong sa mga mag-aaral ng “Learning Filipino Together”.

Next Post Previous Post