Bilang paggunita sa “Buwan ng Wikang Pambansa”, ang Pasuguan ng Pilipinas sa Canberra ay nagsagawa ng isang masayang paligsahan noong ika-29 ng Agosto 2014.
Ang mga kawani ng Pasuguan ay nahati sa dalawang grupo at nagpagalingan sa pagsagot ng mga katanungan na may kaugnayan sa ating Wikang Pambansa. Ang mga katanungan ay hinggil sa ibat’ ibang tema na binubuo ng mga personalidad, kaalaman tungkol sa ating bansa, at mga bokabularyong Filipino. Ang huling bahagi ng paligsahan ay ang pagalingan sa pagbuo ng mga salawikaing Filipino.
Ang kasiyahan ay natapos sa salu-salo ng mga kawani ng Pasuguan.
Alinsunod pa rin sa paggunita ng Buwan ng Wika, ang Pasuguan ay lumahok sa ikalawang taon ng Tribyang Pinoy Challenge na pinangasiwaan ng Filipino Language School ng Canberra, and “Learning Filipino Together” (LFT) na nagtuturo ng wikang Filipino sa mga kabataan at sa sinumang nagnanais na matuto ng ating wika. Ang layuning ito ay siyang nagpapatibay sa pagpapakilala ng kulturang Pilipino at katutubong tradisyon. At sa pangalawang pagkakataon, ang grupo ng mga kawani ng Pasuguan ang siyang nagwagi sa paligsahan na ito pagkatapos na magkamit ng pinakamataas na puntos sa limang kategorya ng Tribya. Naganap ito noong ika-31 ng Agosto ng 2014 sa Theonotaras Multicultural Centre, Canberra.
Karugtong ng Tribyang Pinoy Challenge ay ang Bario Fiesta na binuklod at binuo pa rin LFT. Ang mga kalahok sa Tribya at ang mga iba pang kababayan na dumalo ay nakisapi sa mga iba’t ibang katutubong laro gaya ng tumbang preso, pabitin at sagutang abakada sa mga terminong Filipino. Nagtapos ang pagtitipon sa pagsasalu-salo ng mga iba’t ibang pagkaing Pilipino gaya ng dinuguan, lechong baboy, menudo, bicol express at iba pa.
Sa pagtatapos, nagpasalamat si Gng. Irene Santos, bagong Tagapamuno ng “Learning Filipino Together”, sa lahat ng dumalo at nakiisa sa programang ito at sisikapin nilang panatilihin at lalong pagandahin ang taunang patimpalak na ito.
Ang mga mag-aaral ng “Learning Filipino Together” habang Inaawit ang Lupang Hinirang na pambungad sa Tribyang Pinoy Challenge
Ilan sa mga palaro na ginanap kung saan nakilahok ang mga kawani ng Pasuguan at ang kanilang pamilya.
Ang mga kawani ng Pasuguan at mga pamilya na lumahok sa Tribyang Pinoy Challenge na pinangungunahan ni Gng. Judith De Fiesta, Finance Officer at Gng. Eleanor Regalado, Cultural Officer kasama ang mga opisyal ng LFT.